Kwentong Bagyo

05philippines_typhoon Maliwanag na sa banyo namin, at hindi ito dahil nilagyan ng mister ko ng 26-watt na bumbilya ang kisame nito.

Natanggal ang bubong sa banyo namin. Nilipad ng bagyo, at mula 28_wd_xansane_4 kahapon nang humampas ang bagyong Milenyo, open-air na ang palikuran namin at kitang-kita na kami ng kahit sinong dadaan na naka-helicopter.Parang confetti na nagkalat sa bubong naming kalawangin ang mga nalagas na dahon.  Bumagsak na rin ang matandang puno ng kaimito sa bakod namin. Hindi pa namin alam kung paano buong huhugutin ang puno dahil matibay ang kabit ng mga ugat nito sa lupa at semento.

Sa Apacible, Paco, nabuwal ang mga puno ng acacia. Nagsitumabahan na rin ang mga barong-barong ng mga squatter na nakatira sa gilid ng maduming creek na, ayon sa mga lumang kwento, ay dating malinis. Sa baranggay namin, tiba-tiba ang mga karpintero at mga maliliit na hardware store. Sumugod sa kanila ang mga kapitbahay ko para bumili ng mga pako at yerong bubong. Yung may mas malaking badyet, bumili ng semento, buhangin at graba (naghihintay ng mas maaliwalas na panahon at pagsikat ng araw).

Kakaiba ang reaksyon ng mister ko sa coverage ng bagyo. Kakaiba, pero pag nag-isip-isip ka, makikita mo ring kauna-unawa ito.

Sa mga ulat sa radyo, tv at dyaryo, sinasabing matindi ang pagkasira ng maraming mga bahay, palayan, ari-arian sa mga lugar na dinaanan ng bagyo. Nagliparan daw ang mga bubong, maraming ine-vacuate mula sa Tondo, umapaw ang baha at maraming na-stranded. Dalawang araw na ring walang kuryente sa maraming kabahayan sa Kamaynilaan. 

Masahol ang naging epekto ng bagyo sa buhay, kabuhayan at pag-aari ng daan-daan at maaring libo-libong Pilipino.

Ano ang comment ng mister ko sa lahat ng ito?

"Kuu,  laging ganyan ang nagyayari sa probinsya pag may bagyo. Hindi lang mga bubong ang lumilipad kundi buo-buong bahay."

Aniya, sa probinsya, sa mga lugar na hindi abot ng midya, mas matindi ang pananalanta ng mga bagyo at iba pang delubyo’t kalamidad. Masakit at hindi nabibigyan ng coverage o sapat na pansin kasi nga malayo sa Maynila, malayo sa Sentro.

Haaay. Ang bayan kong bigo. Hanggang kailan ba ang kabiguang ito sa kamay ng mga kalamidad na gawa ng kalikasan, na hindi rin naman kayang pigilan o ibsan ng mga nasa kapangyarihan?

Ayaw ko nang magkwento tungkol sa mga karanasan ko sa bagyo sa Hong Kong. Kung paano dalawang buong araw bago dumating ang anumang bagyo, napaalam na sa mamamayan, at inaasikaso na ng gobyerno ang mga rescue operations (na naka-standby) at pagse-scure ng mga pampublikong lugar, mga reservoir, at mga lagusan ng maaring umapaw na tubig baha. Nakakainis lang dahil nakakainggit. 

Leave a Reply