MALAKI ang papel ng comedy sa kulturang Pilipino. Sinasabi nga na sa gitna ng matinding kagipitan at pagsubok, nagagawa pa rin ng mga Pinoy na ngumiti at tumawa. Kayang pagtawanan ng Pinoy ang kanyang sariling kalagayan, gaano man kasaklap o kapait.
May good side ito at bad side. Mabuti dahil nagagawa ng Pinoy na pagaanin ang sariling loob (at ang kalooban na rin ng ibang tao); pero masama dahil minsan, kahit seryoso na ang sitwasyon at dapat nang harapin, tinatawanan pa rin hanggang sa lumala na ang problema.
Kung ano’t-ano man, may lugar at panahon para sa comedy; at may silbi ang comedy lampas sa simpleng papapatawa.
Bilang isang elemento ng kultura, sinasalamin ng comedy ng anumang bansa at mamamayan nito ang kalagayan sa lipunan; ang pananaw ng taumbayan; at maging ang posibleng hinaharap. Sa simpleng salita, isang instrumento rin ng pagpapalaganap ng makabuluhang mga mensahe ang comedy. Makabuluhang mga ideya na binabahagi sa magaan, nakakatawa, pero nakaka-pagpaisip na paraan.
Sa Pilipinas, ilang beses na ring nagkaroon ng mga comedy na palabas sa telebisyon na naglayong magpatawa pero maghatid din ng mensahe.
Kinikilala nang ‘classic’ ang ‘Sic o clock News’ na pinalabas noon sa IBC channel 13, panahon pa ng diktaduryang Marcos. Sa pamamagitan ng comedy show na iyon na pinagbidahan nina Jaime Fabregas at Ces Quesada bilang mga pekeng newscasters, pinatawa ang manood ngunit pinag-isip din tungkol sa mga kaganapan.
Pangunahing feature ng Sic o clock News ang mga pekeng news report na nagpaparinig, nagpapahaging tungkol sa mga katiwalian ng gobyernong Marcos. Maliliit ngunit matatatalim na mensahe ang hinatid ng palabas: kasabay ng iyong pagtawa, napapaisip ka tungkol sa kurapsyon, kagipitang pampulitika, matinding kahirapan sa lipunan, at kawalan ng pag-asa sa ilalim ng diktadurya.
Noong panahon ding iyon hanggang sa panahon ng EDSA 2, may ilan pang mga palabas na komedya na nagpatawa at nagpaisip sa taumbayan gaya ng Champoy, Sitak ni Jack at TODAS.
Kung ang kasalukuyang mga palabas naman ang pag-uusapan, hindi masasabing may talas ang mga comedy shows. Kalakhan sa mga comedy shows ngayon sa Pilipina ay kinatatampukan ng mga pa-sexy at slapstick na tipo ng pagpapatawa. Mga situational comedies (sitcom) na simple ang plot o istorya: mga bangayan ng magkakapitbahay; mga palpak na relasyon ng magkasintahan o mag-asawa; pasiklaban ng mga magkakaibigan. May halong kabastusan at kalaswaan ang ilang palabas; at hindi rin masasabing gayun kahusay o katalino ang mga script.
Dito naiiba ang isang gag show, ang ‘Bubble Gang.’
Binuo ang Bubble Gang may halos 11 na taon nang nakakaraan. Kolaborasyon iyon ni Michael V at ng singer-composer at aktor na si Ogie Alcasid. Nauna na silang nagkasama sa isa pang gaga show, ang naging matagumpay ding ‘Tropang Trumpo’ sa ABC 5; ngunit nang maisip nilang palawakin ang kanilang mga kakayanan at maging manunulat din bukod sa pagiging mga performers, tinaguyod nila sa GMA 7 ang ‘Bubble Gang.’
Naunang napansin ang palabas dahil sa segments nito na Myusik Tagalog Bersyon (MTB) at Music English Version (MEV). Pag Pilipino ang kanta, ini-Ingles; pag Ingles, ginagawang Pilipino; kinakabag sa kakatawa. Noon namang 1998, gumawa sila ng spoof ng kilalang religious program, ‘Ang Dating Daan’ at ginawa nilang ‘Ang Dating Doon.’ Nakilala din dito si Isko Salvador o si ‘Brod Pete.’
Mula pa sa mga unang taon ng Bubble Gang, nakita na agad ang versatility o husay sa pag-arte at paggampan ng iba’t-ibang papel at personahe ng pangunahing aktor ng palabas na si Michael V.
Kaya niyang umarte bilang isang baliw na duktor; makulit na paslit; matabang babae na alembong; matandang lalaki na manyakis; at kung ano-ano pa. Kumpleto costume, boses, at posture ng katawan. Kayang-kaya din niyang gumanap bilang si Gloria Macapagal-Arroyo, at sobrang kapani-paniwala at nakakatawa ang kanyang pagganap na pinagbawalan siya (umano) ng tv network sa tulak na rin ng mga malalapit sa Malacanang.
Nagkaroon na rin ng ilang awards mula sa iba’t-ibang institusyon ang Bubble Gang. (Best Gag Show, 1996; PMPC Star Awards for Television; Best Comedy Program, first USTV Student’s Choice Award; Highly Commended, Best Comedy Programme category - Asian Television Awards 2003 at 2005).
Umaapaw sa creativity ang palabas at kitang-kita ito sa pagiging varied ng mga skits at sketches; mga spoof ng mga commercial, mga game shows, at maging ng mga music videos ng mga popular na banda.
Kinilala na rin ang 35-na taong gulang na si Michael V bilang isa sa Ten Outstanding Young Men of the Philippines (TOYM) noong 2005. Ang prestihiyosong award-giving body ay nagbigay pugay sa kanya at sa kanyang kontribusyon sa industriya ng entertainment at telebisyon.
Siya rin ang host-performer ng top-rating na palabas na ‘Bitoy’s Funniest Videos’ at isa rin sa mga regular na host sa long-running, noon-time variety show na ‘Eat Bulaga.’
Ang sumusunod ay isang maikling panayam ng Hong Kong News kay Michael V:
HK News: Madali bang magpatawa?
MV: Mas mahirap magpatawa kaysa magpa-iyak. Mahira mag-isip kung ano ang magpapatawa sa tao; kung ano ang kukuha sa kiliti nila.
HK News: Saan ninyo kinukuha ang mga ideya ninyo para sa Bubble Gang?
MV: Research. Nanood kami ng telebisyon, ng balita; nagbabasa ng diyaryo, lahat ng klaseng media pinag-aaralan namin. We conduct personal research – nagtatanong sa mga tao, ano ba ang in? Ano ba ang uso? Ano ang iniisip ngayon ng karaniwang tao? Tapos, dun kami magsisimula na mag-isip ng skit o sketch. We get our ideas from watching a lot of tv, visual din kasi ang humor namin.
HK News: Kinikilala ang Bubble Gang bilang pinaka-mahusay na comedy/gag show ngayon sa bansa; pero in recent months, kapansin-pansin na nagkaroon na rin ang show ng ilang skits na may halong pulitika.
MV: (Natawa) Napansin ninyo din pala iyon?! A, oo. Like I said, inaalam din namin kung ano ang nangyayari sa society at-large. Sa ngayon, kitang-kita naman kung gano katindi ang pulitika sa Pilipinas. As writers, we have opinions din, at lumalabas iyon sa sinusulat namin for the show. Pointed ang opinions.
We use satire. Hindi naman straight satire – papitik-pitik lang; saka opinyon ng masa, ng mga manonood ang nire-reflect namin. May opinyon ang mga Pinoy sa mga nangyayari. Some of the opinions are serious, pero may funny element pa rin. Conscious naman kami kapag nagkakaroon na ng kulay ang sketch so we have self-censorship.
In any case, mayaman talagang source ng humor and comedy ang pulitika, lalo na ang pulitika sa Pilipinas.
HK News: Nagkaroon na ba ng time na na-censor kayo mula sa labas?
MV: (natawa ulit) Oo! Minsan kasi naiisip namin, hindi gaanong mapapansin yung political overtones, yung opinion namin on certain issues; pero lumalabas pa rin. May mga nakakapansin. Gusto din namin ito, pero mainly, pananaw ng masa ang gusto naming ilabas; ano ang iniisip nila.
HK News: Hindi ka ba minsan natatakot na mauubusan kayo ng ideya?
MV: Hindi naman. There are seven of us writers sa team — Caesar Cosme, Chito Francisco, Mon Rocco, Henry Maceda, Romel Lalata at si many Pavia. Pag nasaid na ang ideas ng anim, may isa pang natitira. Kahit maliit na ideya, idedevelop namin. Teamwork is the main key to the success of the show.
My biggest fear is this: that I might not be really funny. Nag-aalala ako na corny o flat o hindi mage-gets ang jokes ko.
MV: Comedy is not easy. It’s hard work, and I take my work seriously. We write the opposite of what we really feel about certain issue, halimbawa yung mga political issues. Nagpapatawa na lang kami kasi talagang hindi na nakakatawa ang mga nangyayari. In a sense, we try to highlight alternatives – to be calm, to try to find a positive resolution - what can be done about an unhappy situation kahit paano Madumi ang pulitika, pero we should not give up because of it. That we can get something positive out of a bad thing. Kami ay nagpapatawa lang naman. Kung may tamaan naman sa mga parinig, e di good.”
Bukod kay Michael V at Ogie, regular din sa Bubble Gang sina Rufa Mae Quinto, Ara Mina, Wendell Ramos, Antonio Aquitania, Maureen Larazabal, Diana Zubiri, Francine Prieto, at Boy 2 Quizon. Ang beteranong si Uro de la Cruz ang direktor ng show.