Kawalan ng liwanag

Day384_1 Kung hihimayin ang bawat isang hibla ng buhay ng mga aktibista, militante at progresibo, ano kaya ang kulay na makikita? Ano ang kulay ng dugo at laman, ng buto at bituka, ang init ng hininga at lamig ng luhang natutuyo sa pisngi? 

Hindi ba’t pare-pareho lang naman ang ninais ng karaniwang tao at ng mga aktibista, pero mas masaklaw lang ang pangarap ng mga huli dahil niyayakap ng kanyang pagnanais ang kinabukasan hindi lang ng kanyang sarili at sariling pamilya, kundi ng pagkatao at pamilya ng iba?

Tuwing nag-uusap kami ng kaibigan kong si Raymond, sa tuwing hindi ko mapigilan na maiyak sa galit dahil sa nabasang balita, ulat, sanaysay na pawang naghuhumiyaw para sa hustisya para sa mga pinaslang, walang masabi si Raymond kundi ‘Ina, it happens in other countries, too. The Philippines is no different from any other country under an inhumane dictatorship…’

Para namang mapapahinahon ako ng gayung klaseng katotohanan.

Dapat, sa Pilipinas, gabi-gabi na umuungol ang mga sirena, malakas na ingay na nagbibigay babala sa lahat ng nakakarinig: Mag-ingat sa gobyernong berdugo at pusakal! Ingatan ang inyong mga mahal sa buhay!

Pero hindi rin sapat na magbigay lang ng babala. Hindi naman dapat na katakutan ang isang mamamatay-tao na pamahalaan. Bagamat ang bawat isa sa atin ay tinatablan ng bala at kayang gutayin ng mga patalim, hindi kayang patayin ng pamahalaan ang bawat isa sa atin.

At may taglay na tinig at kapangyarihan ang kahit sinong karaniwang Pilipino. Ano pa’t dapat nating gamitin ang mga damdamin ng lungkot at pagkamuhi sa kawalanghiyaan ng gobyernong ito na wala ni katiting na pagpapahalaga sa buhay ng masa. Ano pa’t dapat na magsilbing mitsa ang tumitinding sitwasyon ng panunupil upang tuluyan nang silaban ang gobyernong matagal nang dapat binagsak at pinarusahan!

Sobrang dami na ng kwento ng pamamaslang. Napakarami na ng paglalarawan ng mga huling araw, oras, minuto at sandali ng buhay ng mga aktibista at masang pinatay nang walang kalaban-laban. Kada kwento ay may katumbas na ilang mabibigat na sako ng pag-aalala at pagkalumbay. May katumbas na nag-aalimpuyong galit na parang apoy na hindi mapapatay ng kahit anong lamig at dami ng tubig.

Itong komite na sinasabi ng gobyerno, itong Task Force Usig. Anong klaseng katarantaduhan pa iyan? Isang gahiganteng insulto sa alaala ng mga pinatay at ng kanilang mga iniwan!

Sino naman ang maniniwala na magiging matapat ang imbestigasyon ng mga institusyong pumatay kaugnay sa kanilang mga pinatay? Anong klaseng kongklusyon at resolusyon ang kaya nilang ibigay sa publiko? Na pinatay ang mga biktima dahil lang sa matinding galit ng mga di kilalang tao? Na minalas lang sila at napadaan sa harap ng lumilipad na bala? Na misteryo ang lahat at walang malinaw na paliwanag bakit pinapatay ang mga aktibista?

  Ang higit pang nakakagalit  ay ito: HINDI NA NGA PINAYAGAN NG GOBYERNO NA MABUHAY NG MAY DANGAL AT DIGNIDAD ANG MASA, HANGGANG SA KAMATAYAN, PAGKAKAITAN SILA NG HUSTISYA.

Tuwing may nagtatanong sa akin kung kamusta ang Pilipinas (dahil alam nilang reporter ako, at palaging nagbabasa ng dyaryo at internet, laging nakatanghod sa mga susunod sa pangyayari sa bayang pansamantalang iniwan), ang una kong sinasabi ay ‘Maraming pinapatay. Gobyerno ang salarin, at mga aktibista at masa ang mga biktima. Parang hindi na umaabot ang liwanag sa Pilipinas, pulos kadiliman ang kulay ng mga balita.!’

Hindi inaasahan ng mga kausap ko ang ganitong sagot. Hindi ko naman mapigilan ang gayong sagot ang ibigay.

Leave a Reply