Ay naku, ang OWWA!

Cartoon Am glad attention is again falling on the Overseas Workers Welfare Office (OWWA).

Back when I was still working in Congress I used to write speeches and resolutions for Ka Bel exposing how the Arroyo government has relently abused the OWWA fund and created the OWWA Omnibus Policies which further ensured and legitimzed the national government’s (not to mention the executive’s) abuse of what is supposedly a quasi-government institution.

Connie Bragas-Regalado, the chairperson of Migrante International would come to Ka Bel’s office at least twice a week togive us updates on the OFW front. Migrante  has one of the most well-organized and efficient data-gathering systems among all the NGOs and people’s organizations I’ve had the honor of working with/for. Ka Connie is always loaded down with documents and testimonies and materials proving again and again how OFWs save the economy yet are so grossly neglected by the government (nothing shocking about that). OWWA is the main fund for OFWs, and the money that runs it comes directly from OFWs in the form of fees for per-contract memberships.

Anyways, this issue concerning the evacuation of OFWs from Lebanon is another case study of how the government manipulates the OWWA funds and uses it for other (self-serving) purposes and never really not to provide much needed assistance to OFWs. The funds in OWWA right now are more than enough to evacuate the OFWs in Lebanon; but Arroyo has had the gall to say that there is no money and has essentially OFW evacuees should rely on sheer luck and maybe the deux ex machina to help them get out of the country alive.

There are 30,000 OFWs in Lebanon. So far, less than 2,000 have been repatriated. 

The following is my article in this week’s issue of Hong Kong News on OWWA. Featured is  Eman Villanueva, the secretary general of United Filipinos in Hong Kong.

MATAGAL nang maingay ang mga OFW sa dami ng sinisingil sa kanila bago maka-pag-abroad. Mula sa pagkuha ng mga marriage certificate, birth certificate sa National Statistics Office; mga clearance sa NBI, diploma sa eskwela at kung ano-ano pa, mas malamang kaysa hindi baon  na sa utang ang OFW bago makalipad.

“Dito nga sa Hong Kong, $425 ang passport.  Sumakay lang ng eroplano, naging P2,6775 na ang P550 na presyo ng passport sa Pilipinas (kung palitan ay P6 =HK$1),” reklamo ni Delia Arcelis, taga-Sha Tin.

Mainit din ang ulo ni Delia nang banggitin ang iba pang bayarin gaya ng authentication at verification fees ($297.50) at ang overseas employment certificate o OEC ($32).

“’Di ko maintindihan yang authentication  na yan. Nalagyan lang ng pulang ribbon ang papeles ko, ang laki na ng bayad. E kung ako na lang ang maglagay ng ribbon?”

Pagdating naman sa OEC, napapailing na lang si Delia.

“Ano pa bang klaseng patunay ang kailangan na OFW ako na employed? Nasa passport ko na yun, nakatatak kung kelan mag-eexpire ang visa ko.”

             Lalo lang sigurong uusok ang tenga ni Delia kung alam niyang ni hindi nire-require ng Hong Kong Immigration and OEC, at hindi rin ito requirement ng Labor Code ng Pilipinas para sa mga OFWs.

Kung ganito na katindi ang reaksyon ng mga OFW gaya ni Delia sa mga sinisingil sa kanila, mai-imagine na lang ang pwede nilang sabihin kapag nalaman nila ang masalimuot na isyu ng pera sa Overseas Workers Welfare Office o OWWA. Ang pondo ng institusyong ito na pag-aari ng mga OFWs ang matagal nang laman ng mga anomalya at hindi matapos-tapos na imbestigasyon. Kasama pa nga ang mag isyu kaugnay nito sa impeachment complaint at akusasyon ng kurapsyon laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

          

Damubuhalang Pondo

PINAGBABAYAD ang bawat isang OFW ng US$25 para sa OWWA membership. Ang kabuuang halagang naiipon ay tinatawag na OWWA Trust Fund. Sa kasalukuyan, umaabot na sa P6 bilyon ang naipong halaga. Lumalaki ito ng halos P1 bilyon kada taon.

Kung may average na 2,500 na OFW ang lumilipad kada araw at nagbayad ng US$25 kada isa, US$62,500 agad ang nadadagdag sa OWWA funds o $1.875 million kada 30 araw.

Ayon kay Eman Villanueva, secretary general ng United Filipinos in Hong Kong Kong (UNIFIL-HK) , dahil may katangian ito bilang trust fund, hindi madaling magalaw ang pondo ng OWWA

“Kaso,  gumagawa naman ang pamahalaan ng iba’t-ibang milagro para magamit ang pera na sa tutoo lang e pag-aari ng mga OFW at dapat nakalaan para sa kanila at sa kanilang mga pangangailangan. Naryan na gumawa ng kung ano-anong investment, ;magtayo ng mga task force para daw sa emergency needs ng mga OFW sa mga war-torn na bansa gaya ng Iraq, at iba pang ma-anomalyang hakbang.”

Upang gawin umanong sistematiko  ang proseso ng paggamit sa OWWA funds,  nilikha ang OWWA Omnibus Policies.  Ito ang kabuuan ng mga patakaran at regulasyon na gumagabay sa paggamit ng pondo.

Pinagtibay ang Omnibus Policies ng OWWA Board of Trustees nang aprubahan ang Board Resolution No. 038 noong September 19, 2003. Ayon kay Villanueva, kaagad na nalantad kung ano ang layunin ng mga policies.

“Dahil sa OWWA Omnibus Policies, nalipat  ang OWWA Medicare Fund sa pribadong Philhealth. Palihim na pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Executive Order No. 182 noong Pebrero 13, 2003. Ginamit ang pera sa electoral campaign ni Arroyo. Napigilan lang ang buong-buong transfer nang nabuko ang hakbang, maraming OFW groups at mga pro-OFW na kongresista ang tumutol,” aniya.

Mahaba rin umano ang talaan ng mga attempts ng pamahalaan na i-manipulate ang pera ng OWWA. Ani Villanueva, kasangkot sa mga attempts na ito si Patricia Sto. Tomas na nag-resign lang kamakailan bilang secretary ng Department of  Labor and Employment (DOLE).

“Sa pamumuno ni Sto. Tomas, tinangka ng OWWA trustees na ilusot ang paglipat ng OWWA Livelihood Program sa National Livelihood Service Fund (NLSF) na direktang nasa ilalim ng Office of the President. Nalantad din agad ang pakana, naagapan at naharang,” aniya.

Sinabi rin ni  Villanueva na hanggang sa kahuli-hulihan, hindi naipaliwanag ni Sto. Tomas at ni dating OWWA administrator  Virgilio Angelo ang pagsuspindi sa General Financial Assistance Program (GFAP). “Lalo pa silang nataranta nang mag back-fire sa kanila ang pinakulo nilang anomalya na may fake claimants daw ang Medicare, at umabot ang false claims sa P10 milyon,” aniya.

Kaagad na hinamon ng mga migrant groups sa Pilipinas kasama na rin ng mga pro-OFW na kongresista sa pamumuno nina  Zamboanga del Sur Rep. Roseller Barinaga, head ng Committee on Labor and Employment na ilabas nina Sto. Tomas ang listahan ng false claims. Giniit din ang imbestigasyon sa OWWA funds na P11,407,500 na nilabas  para kay General Roy Cimatu noong kasagsagan ng gera ng US laban sa Iraq. Para sana sa mass evacuation ng mga OFW sa Iraq  ang pondo, pero walang naganap na evacuation.

“Wala na ngang evacuation, wala na ring ginawang accounting at liquidation si Cimatu. Hanggang sa mag-resign siya, naka-tiwangwang ang isyung ito sa opisina ni Sto. Tomas,” dagdag pa ni Villanueva.

Puntos kontra Omnibus Policies

KUNG titilarin ang mga dahilan kung bakit umano masama para sa mga OFW at welfare services na dapat binibigay ng OWWA sa mga migrante, kayang ikahon ni Villanueva ang mga ito sa walong punto.

1.Nililimita ang membership ng bawat migrante sa bawat kontrata ng hindi lalampas sa dalawang taon.

“Ibig sabihin, tanggal na sa membership list ang mga OFW na umuwi pagkatapos ng kontrata. Kung materminate ka matapos ng tatlong buwan halimbawa, tanggal ka na rin sa pagiging member. O kung maaksidente ka at tinanggal ka ng employer dahil dito. Saan ka naman nakakita ng welfare institution na hindi ka kayang tulungan sa eksaktong panahon na kailangan mo ng tulong?”

2.Limitado ang coverage ng mga benefits lalo na para sa mga kapamilya ng OFW.

“Sa Article VIII ng Omnibus Policies, Family Assistance Loan at Education and Training Benefits lang ang nilaan para sa pamilya. Yung mas mahalaga at mas kailangan ng mga OFW at ng pamilya nila na Medical Assistance, hindi kasama.”

3. Peligroso umano ang Section 3 ng Article VI na nagpapaliwanag tungkol sa General Investment Policy ng OWWA.

“Dahil sa probisyon na ito, nabubukas ang posibilidad na pwedeng gamitin ang pera ng migrante sa OWWA para sa investment ng mga pribadong kumpanya na malapit sa gobyerno, mga crony nito kumbaga. Pwede ring gamitin ang OWWA trust funds para iligtas ang mga bankrupt na na government-owned and controlled corporations (GOCC) na ibinebenta naman sa mga foreign investors.”

4. Dapat din umanong suriin ang pagiging ‘vague’ ng Section 8 Article VII na nagbibigay kapangyarihan sa Board of Trustees na i-realign o ilaan ang pondo sa mga hindi malinaw na hangganan.

5. Pagtakas sa responsibilidad ng OWWA na i-repatriate ang OFW na may emergency na pangangailangang makauwi sa Pilipinas.

Ani Villanueva, naghuhugas kamay ang OWWA sa Section 6, provision (a) ng Article VIII. Sinasabi na ang repatriation ay pangunahing nakasalalay sa OFW mismo, at pangalawa lang sa recruiter. 

“Eeksena lang ang OWWA sa panahon ng sakuna, epidemya at mga gera, at hindi sa mga sitwasyong personal na OFW. Ang masaklap, kahit nga tuwing may matinding sakuna o gera, hindi agad masaklolohan ng OWWA ang mga OFW. Madalas, naka-kahon na ang mga OFW bago maka-uwi sa Pilipinas. Namatay sa sakit o pinatay ng employer, ” aniya.

6. Nalalabuan sina Villanueva sa Section 6, provision (b) ng Article VIII na inilipat sa DOLE ang implementasyon ng reintegration program at kawalan ng linaw sa process sa pagkuha ng Livelihood Loan.

7. Kakulangan ng transparency sa OWWA.

“Sa Section 4, Article II, sinasabing transparent ang OWWA at ang pangangalaga nito sa pondo. Binabaligtad naman ito ng Section 5, provision (h) ng Article III na nagsasabing confidential at hindi pwedeng ipalaam sa publiko ang mga minutes, transcripts at taps ng mga pulong at disisyon ng OWWA. Walang tutoong konsultasyon sa mga OFW at mga pamilya nila, at ginagawang palihim ang pagbuo ng mga disisyon.”

8. Tunay na representation ng mga  OFWs sa OWWA Board.

“Kontrolado ng gobyerno ang OWWA trust funds. Nabubura na ang pagiging quasi-government institution na ang ibig sabihin, OFWs dapat ang may pinaka-say sa takbo ng OWWA. Appointees ng DOLE ang mga nas-board. Palamuti lang ang sinasabing dapat may representative hindi lang mula sa management kundi sa labor, sea-based at women sectors sa OWWA Board.”

Pro-OFW charter ng OWWA

Para kay Villanueva, dapat maging higit na aware ang mga OFWs sa nangyayari sa OWWA at kung paano ginagamit ang pondo nito. Aniya, dapat ilaan ang pondo ng OWWA para sa kagalingan ng mga OFWs – sa kanilang health and legal needs, welfare development, at pagpapaganda ng mga serbisyo sa mga tanggapan ng OWWA para rin sa mga kliyente na OFW.

“Kaya nga pinanawagan ng mga OFW sa Pilipinas, sa Hong Kong at ibang dako pa ng mundo na ibasura ang Omnibus Policies ng OWWA. Dapat palitan na ito ng isang mas-maka-migranteng charter na nagre-reflect ng tunay na interes ng mga OFW,” aniya.

Hindi rin nagkulang ang grupo ni Villanueva na magprovide ng mga alternatives sa mga patarakan ng OWWA.

Una daw, dapat ang sa employer sinisingil ang membership fee sa OWWA. “Ang sinumang mapapatunayang ipinakarga sa OFW ang bayad sa membership fee ay dapat patawan ng karampatang parusa,” ani Villanueva.

Dapat din daw na gawing lifetime o pang-habambuhay ang membership. “Pwedeng i-revoke ng OFW ang kanyang membership  kung gusto niyang makuha ang kanyang membership fee, kasama na rin ang naging interes nito,” paliwanag pa niya.

Habol din nina Villanueva na gawing mas masaklaw ang benefits and welfare services ng OWWA para sa OFWs at sa mga pamilya nila.

“Karaniwang dinudugo ang mga OFW sa pagke-claim ng mga serbisyo at benepisyo. Malala ang red tape, at kulang na kulang ang mga tauhan ng OWWA na maayos, mahinahon at maka-taong humaharap sa mga OFW na namomoblema. Welfare  services dapat ang focus ng OWWA,”giit pa niya.

Samantala,  isa ring panawagan ng UNIFIL kasama ng iba pang migrant groups sa ilalim ng Migrante International na baguhin ang kumposisyon ng OWWA Board of Trustees.

Anila, ang mga sumusunod ang mga dapat ilagay sa board: chairperson ng Committee on Labor sa senado at kongreso; isang representative mula sa Commission on Audit (COA); party-list representatuve ng overseas workers; party-list representatives ng labor at ng kababaihan; at dalawang seabased at apat na land-based na OFW representatives na ihahalal sa pamamagitan ng overseas   absentee voting.

“Dapat tanggalin na sa board ang mga secretary ng departments of finance, budget and management; ang undersecretary of labor and employment at ang mga appointive sectoral positions,” ani Villanueva.

Para naman daw maipakita ang hati sa responsibilidad ng gobyerno sa pangangalaga sa OFW, ang kalahati ng taunang budget ng OWWA ay dapat na kunin mula sa taunang General Appropriations Funds o national budget ng gobyerno.”

         Sa huling pagsusuri, walang problema kung may maraming sinisingil sa mga OFW kung bumabalik naman ito sa kanila sa porma ng maayos at maasahang serbisyo. Hangga’t hindi nasasagot ang mga tanong tungkol sa pondo ng OWWA, at hangga’t hindi gumaganda ang serbisyo nito para sa mga OFW, palaging marami ang mga tulad ni Delia na galit sa malalaking singil at bayarin.

Leave a Reply