Below is a story written by our reporter Chi Brotonel. I sent this to all of my acquaintances and friends in Hong Kong, and it didn’t take too long before the shocked reactions began filling my mailbox.
Here at the office, we call such stories ‘karumal-dumal report of the week.’ Without fail, as regular as clockwork, something like this happens to our kababayans here in Hong Kong.
Reading this sort of thing (regardless of whether it happened in Hong Kong, Saudi,Singapore, or even back in the Philippines) makes one lose one’s equilibrium.
Hay, ang buhay ng migrante. Ang buhay ng Pilipino.
Hindi nilayon ni Jennifer na maging domestic helper. Kagaya ng maraming mga college graduates na naging domestic helper dito sa Hong Kong, may iba siyang mga balak para sa pamilya at sa sarili.
Nursing student sa Pilipinas si Jennifer at matatapos na rin niya ang kanyang caregiver course. Para mapadali ang plano na makapuntang Canada, pumunta si Jennifer sa Hong Kong para makuha ng experience sa paninilbihan, at gamitin itong accreditation sa kanyang application sa Canada.
Sa kasaamang palad, napunta siya sa isang employer na manyakis na sa una’y nagkunwang mabait. Nakaranas ng pangmomolestiya si Julia, ngunit tiniis niya ito dahil ayaw niyang ikompromiso ang kanyang planong makarating sa Canada. Nanghinayang din siya sa ginastos sa pamasahe, at sa sweldong ipinapadala niya sa pamilya sa Pilipinas.
Napakarami ng tulad ni Julia na nag-aaral ng nursing at medisina sa Pilipinas, ngunit pagdating sa ibang bansa, ang bagsak ay sa trabahong mas mababa sa kanilang kakayanan. Naryan ang mga nurse, computer programmer, mga guro, chemical engineer na nag-domestic helper sa ibang bansa dahil mas mataas ang sweldo ng DH kaysa sa ibang mas mataas na trabaho sa Pilipinas.
Iba-ibang problema talaga ang sinusuong ng mga Pilipino pag nangibang-bayan para magtrabaho. Kahit mataas pa ang inabot sa pag-aaral, bumabagsak pa rin minsan sa swerte o malas pagdating sa makukuhang employer. Parang wala ring silbi ang edukasyong nakukuha natin sa Pilipinas.
Tibay ng loob, tigas ng sikmura. Ang mga ito ang puhunan ng mga OFW.
Sana’y patuloy na maging matapang si Jennifer at ang iba pang OFW na dumanas din ng karanasan niya.
————————–
INABUSO diumano ng amo at ilang ulit na ginawan ng kalaswaan ang isang Pilipinang domestic helper sa loob ng tatlong buwang paninilbihan sa employer niyang Chinese.
Dumating sa Hong Kong upang mamasukan bilang DH si Jennifer Lavapiez, 23, tubong Negros Occidental, noong January 4. Noong una daw, inakala niyang sadyang mabait lang ang amo niyang lalaki dahil magaan ang trato sa kanya. May asawa’t dalawang anak ito na may edad na 13 at 11 taong gulang, ngunit nakatira ang mga ito kasama ng kanilang ina sa ibang bahay. Si Jennifer at ang lalaki lang ang nakatira sa bahay.
Nang lumaon, lumabas ang totoong kulay ng employer nang utusan diumano nito si Jennifer na paliguan siya.
“Sabi niya sa ‘kin, ‘You give me a bath!’ Hindi ako makapaniwala. Mariin niyang inulit ang utos na yon, at nagalit siya nang tumanggi ako,” ani Jennifer.
Sa loob ng tatlong buwan, naulit ng anim na beses ang pagpapaligo na pikit-matang ginawa ni Jennifer dahil na rin sa takot na baka kung ano ang gawin sa kanya ng lalaki.
“Ayoko talagang gawin ‘yon dahil alam kong mali ‘yon, pero natakot akong tumanggi. Kaming dalawa lang sa bahay. Anytime pwede niya akong basta itulak sa bintana at palabasin na aksidente lang ang nangyari. Inisip ko rin ang kaligtasan ko,” dagdag pa ng dalaga.
Noong March 3 dakong 7:30 ng gabi, nagulat at nanigas na parang estatwa si Jennifer sa takot nang biglang nag-“masturbate” at nagparaos diumano sa harap niya ang kanyang amo habang pinapaliguan niya ito.
“Hindi ko alam kung masusuka o sisigaw ako. Parang walang pakialam na ipinagpatuloy lang niya ang ginagawa niyang pagpaparaos habang nakapikit pa ang mga mata,” may galit na kuwento ni Jennifer.
Lalong natakot ang Pilipina nang bigla pumasok ng kuwarto niya ang kanyang amo dakong 11 ng gabi noong April 3.
“Sabi niya sa ‘kin, ‘Jen, I can’t sleep’ tapos bigla na lang humiga at tinabihan ako sa kama. Hindi ko alam kung anong gagawin ko,” aniya.
Dahan-dahan diumanong hinawakan ng amo ang mga pisngi ni Jennifer at gumapang ang isang kamay nito sa ibabaw ng tiyan ng dalaga. Kung hindi ito, napigilan papunta na sana ang kamay sa dibdib niya.
“Sumigaw ako. ‘No, sir! Please stop!’. Tumayo siya at lumabas ng kuwarto ko,” dagdag niya.
Dahil sa mga sunod-sunod na kalaswaan na ginagawa sa kanya, halos dalawang linggo na hindi natutulog si Jennifer dahil sa takot sa susunod na maaring gawin ng employer. Humina ang resistensiya ng dalaga at nagkasakit ito. Ngunit ilang beses pang naulit ang pagpasok ng amo sa kuwarto ng dalaga. Minsan pinilit pa siya diumano na bigyan ng masahe ng kanyang employer.
“May dala pa siyang massage cream. Kailangan ko raw ‘yon. Sabi niya, ‘You need this to feel better.’ Tumanggi ako ilang ulit. Pinipilit talaga niya ‘ko pero hindi talaga ako pumayag,” ani Jennifer.
Lingid sa kaalaman ng amo, bumili pala ang dalaga ng mp3 player na may voice recording function at inire-record niya dito ang mga boses at usapan nila ng amo. Nagkataong nakatago sa ilalim ng unan ng Pinay ang mp3 player at na-irecord ang nangyaring pagpupumilit sa kanya ng amo niya noong gabing iyon.
Minsan nagkunwaring tulog si Jennifer nang pumasok sa kuwarto niya ang kanyang amo noong April 17 eksaktong 10:30 ng gabi.
“Nakatayo lang siya doon, naririnig ko ang paghinga niya. Limang minuto siya doon tapos lumabas siya ng kuwarto. Doon na ako talagang natakot. Tinawagan ko na yung tiyahin ko sa Yuen Long. Sabi ko sa kanya gusto ko nang bumaba dahil natatakot na talaga ako. Siya ang tumawag ng pulis para sa akin,” ani Jennifer.
Agad na dumating ang mga pulis at tinulungang makaalis ng bahay si Jennifer. Kinuha rin ng mga pulis ang mp3 player at ang diary niya kung saan nakasulat ang halos lahat ng mga nangyari sa kanya. Gagamitin diumano itong ebidensiya laban sa amo niya ayon sa mga pulis. Kinuha rin ng mga pulis ang gamit na bedsheet at kumot ni Jennifer, pati na rin ang massage cream na dapat sana’y gagamitin sa kanya. Maaari raw makuha dito ang DNA, sample ng pawis at fingerprints ng kanyang amo na maaaring gamitin din bilang ebidensiya upang patibayin ang kaso laban sa amo ng Pinay.
Kinumpirma ni Inspector Windy Tsui ng Wong Tai Sin Police Station na tumawag sa kanila ang domestic helper. Isinasagawa na umano ang imbestigasyon ngunit tumanggi siyang magbigay na karagdagang impormasyon tungkol sa kaso. Sa May 24 nakatakdang humarap sa korte si Jennifer para sa pagdinig ng kaso laban sa kanyang employer.
“Gusto ko pa ring lumaban kahit takot ako sa maaaring mangyari sa ‘kin. Hindi ko matanggap ang ginawa niya sa ‘kin. Hindi ako pumunta dito sa Hong Kong para magpababoy. Ipaglalaban ko ang karapatan ko bilang babae at bilang tao,” matapang niyang sinabi.
Isang nursing student at licensed na caregiver si Jennifer. Aniya, pumunta siya sa Hong Kong dahil ito diumano ang payo sa kanya ng kolehiyo kung saan siya nagtapos ng pagiging caregiver. Kailangan daw ito para makakuha ng kaukulang training upang makapagtrabaho sa Canada bilang caregiver.
Isa’t kalahating semestre na lang ang kulang upang makatapos ng nursing si Jennifer. Pangalawa siya sa apat na magkakapatid na babae na sabay-sabay nag-aaral ng kolehiyo. Sa kagustuhan niyang makatulong sa pamilya, naglakas-loob ang dalaga na makipagsapalaran dito sa Hong Kong.