Nag-iintay ng balita
Ganito pala ang pakiramdam nang malayo sa bayan mo habang doon, sa sentro ng lahat ng pampulitika at pang-militar na kapangyarihan, nagkakagitgitan na.
Nakadikit ang mga mata sa computer screen, nag-aabang ng update. Pana-panahong tumatawag sa mga kaibigan, Kasama at mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Hindi mapakali, hindi mapalagay. Balisa.
Kung pwede lang sumakay ngayon ng eroplano at lumipad nang pauwi. Mula sa airport tutuloy ako sa EDSA kung saan nagtitipon na ngayon ang libo-libong tao, at dumadami pa habang dumadaan ang mga minuto at oras.
Buong kakapalan ng mukha na sinasabi ni Gloria Macapagal-Arroyo na siya pa rin ang presidente at nasa kanya ang kapangyarihang utusan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) na dakpin nang walang warrant ang sinumang sibilyan na magtatangkang alisin sa poder ang kanyang gobyernong matagal nang walang kredibilidad.
Ang sumusunod ay ang kanyang mensahe sa mamamayan, na ito ring laman ng kanyang Proclamation No. 1017 na nagdedeklara ng state of national emergency.
May ilang sumubok lumihis sa Armed Forces chain of command, lumabag sa gobyernong sibil at magtatag ng rehimen sa labas ng Saligang-Batas.
Walang nakakagulat o nakapagtataka dito. Parang manggang inu-uod ang institusyong militar; batbat ng kurapsyon, at nabubulok dahil sa oryentasyongmersenaryo at berdugo. Malalim ang demoralisasyon ng mga batang sundalo at opisyales; at sagad sa buto ang galit sa gobyernong walang ginagawa upang dinggin ang mga hinaing ng mga sundalo.
Nabuwag natin ang pakanang ito kasama sa mga kilos natin ang pagdakip ng mga militar at sibilyang magkakasabwat at hindi din papalampasin ang mga nagbibigay ng salapi at suportang pulitika sa pag-aalsa.
Dahil nga kapit-tuko sa kapangyarihan, ginagawa, ginagawa, at gagawin ni Macapagal-Arroyo ang lahat mawala lang ang lahat ng kumokontra sa kanyang salaulang administrasyon. Wala siyang hindi gagawin manatili lang sa poder. Mula sa iligal na pagmamamanman; iligal na pagdakip at pag-aresto, pagsuspinde sa lahat ng mga karapatang sibil at demokratiko kaugnay sa pagprotesta at pamamahayag - handa itong gawin ni Gloria.
Napigil na ng pamahalaan itong iligal na pagkilos maliban sa ilang tumiwalag na sa pwesto at matapat sa linya ng pamunuan ang lahat ng opisyal ng militar hanggang sa batalyon.
Ang mga sundalo at pwersang matapat kay Gloria ay mga traydor sa bayan at sa mamamayan. Pumapayag silang magpagamit kay Gloria bilang mga instrumento ng pananakot, pandarahas at pagpatay.
Ano ang saysay ng pagiging matapat sa alagad ng isang berdugong gobyerno na matagal nang isinusuka ng mahihirap, ng mamamayang sawa at galit na sa rigodon ng mga lumang mukha at pangalan ng mga napatunayan nang makasarili at sakim sa yaman at kapangyarihan?
Bilang commander in chief, kontrolado ko ang sitwasyon.
Anong kontrol ang sinasabi niya? Siya ang dahilan ng kaguluhan at kahirapan sa bansa.
Katatapos ko lang pulungin ang aking gabinete na nagkakaisa at buong loob na ipagpatuloy ang serbisyo publiko sa kabila ng kalagayang pang-seguridad.
Ows? baka ilang araw na lang, titiwalag narin ang gabineteng yan. Kung gusto pa nilang iligtas ang kanilang mga reputasyon, iwanan na nila sa Gloria. Isang malaking kamalian ang manatili pa sa tabi ng isang presidenteng itinatakwil na ng lahat.
Wala ba kayong dangal?!
Nananawagan ako sa lahat ng ating pamahalaang lokal na patuloy na maglingkod.
Maglingkod kanino? Sa mga katulad ni Gloria sa sinungaling, mandurugas at magnanakaw? Maglingkod sa mga kamag-anak at kanegosyo?
Hindi dapat malagay sa alanganin ang kaligtasan at kabuhayan ng tao.
Kaya pala pinatupad niya ang EVAT, ang lateral attrition, ang buong pagbebenta ng mga public utilities gaya ng kuryente at tubig sa mga dayuhang korporasyon.
Kaya pala patuloy ang deployment ng AFP sa Mindanao, Southern Tagalog at Central Luzon upang patayin ang mga sibilyang Muslim, mga human rights advocates, at mga progresibong opisyales ng LGU at mga taong simbahan.
Samantala pinapaubaya ko sa pinuno ng AFP at hepe ng PNP ang mga nararapat na pagkilos. Mag-uulat sila sa media hinggil sa mga darating na pangyayari.
Dapat talikuran na ng AFP at PNP ang gobyerno ni Arroyo. Kahit yun man lang ang gawin nila bilang kaisa-isang tunay na porma ng paglilingkod sa mamamayan at sa bayan.
Mag-uulat naman ang secretary of foreign affairs sa mga embahador.
Ano iuulat nila? Na naghihintay at nag-aabang din ang mga Pilipino sa ibang bansa sa bumagsak na ang administrasyon ni Gloria? Dahil ito ang nangyayari.
Ito naman ang babala ko sa mga nagbabalak laban sa bayan - babagsak sa inyong pagtataksil ang buong bigat ng batas.
Ito naman ang babala ng mamamayan kay Gloria: bilang na ang arwa mo. Babagsak ka din at malaki din angmagiging kabayaraan ng katiwalaan mo at karahasan laban sa mga inosente at walang laban.
Ipinapahamak n’yo ang mga mahihirap sa inyong paghatak sa bansa palayo sa ating nararapat na antas sa daigdig bilang kuta ng pagkakaisa, pagsasakripisyo, pagmamalasakit at kahusayan sa mundo.
Gloria, pinapahamak mo bawat segundo ang lahat ng mahihirap sa iyong paghatak ng bansa pababa sa kumunoy ng kahirapan at karahasan, bilang kuta ng kaguluhan, kagutuman, kawalan ng pag-asa, at simbolo ng kurapsyon sa mundo.
Kinakalaban n’yo ang ekonomiya sa kanyang mga tumatatag na saligan.
Sinisira mo ang ekonomya na saligan ng bansa.
Mga kababayan hinihiling ko sa inyong lahat na manatiling mahinahon.
Panahon na upang mag-aklas! Humugos sa lansangan at sumama sa mga protesta! Isigaw ang galit sa isang gobyernong palamunin at palalo!
Nananawagan ako sa media na iulat ang pangyayari sang-ayon sa tungkulin sa bayan at huwag palampasin ang mga nakakasamang alingasngas at maling balita.
Tungkulin ng media na iulat ang mga tunay na kaganapan. Sandamakmak ang alingasngas at kabulukan ng gobyernong Macapagal-Arroyo. Ito ang dapat na iulat ng media sa mamamayan.
Salamat sa inyong pananalig sa bayan at sa ating magandang hinaharap.
Nananalig ang mamamayan sa kanyang sariling lakas at determinasyon na magpatalsik ng isa pang presidenteng bulok.
Pagpalain nawa ng Diyos ang sambayanang Pilipino.
Pagpalain nawa ng Diyos ng kasaysayan ang sambayanang Pilipino.