Ang Islam sa mata ng isang OFW

Islam Dating binyagang Kristiyano ang chairwoman ng Helpers of Islam Group sa Hong Kong (Jamaitu Ansarul Islam) na si Sis. Madeena Medina Molina. Segundina Molina ang kanyang dating pangalan bago siya naging convert sa relihiyon ng Islam noong 1987.

P2190034“Galit ako  dati sa mga Muslim. Lipunan na rin kasi ang nagtuturo sa mga Kristiyano na mamuhi sa mga Muslim, at sa ganung oryentasyon ako lumaki. Hindi ko talaga naiintindihan kung bakit may tinuturing na kaaway ang mga Muslim o bakit sila dapat na katakutan; pero dahil yun ang napapanood ko sa telebisyon, naririnig sa radyo, ganun na rin ako mag-isip,” kwento niya.

Lumaki ni Sis. Madeena sa Pasig, panganay sa 12 na magkakapatid. First year ng kolehiyo sa  kursong commerce  ang naabot niya. Huminto siya sa pag-aaral upang pagbigyan ang mga nakababatang kapatid na makapagpatuloy. “Nagtrabaho na lang ako para makatulong sa mga magulang namin,” aniya. Taong 1982 nang una siyang pumunta sa Hong Kong upang maging domestic helper. Noong panahong iyon, iilan pa lang ang mga Pilipino sa Hong Kong.

Malikot ang isip ni Sis. Madeena. Nang minsang makabasa ng isang magasin kung saan sinabi na iisa ang diyos ng mga Muslim at mga Kristiyano, naantig ang kanyang curiousity. “Di ko naintindihan yun. Di ako mapakali kaya sumulat ako sa mosque sa Wan Chai para maglinaw,” aniya.

Tatlong linggo ang dumaan, wala siyang nakuhang sagot.

“Akala ko inisnab lang nila yung tanong ko; pero nung ika-apat na linggo, sumagot sila.”

Ang nangyari pala, finorward ng mosque sa Wanchai ang kanyang sulat sa isang mosque na mas malapit sa pinapasukan ni Sis. Madeena sa Kowloon. Inimbitahan siya na dumalaw sa mosque upang doon na lang sagutin ang kanyang tanong at kung ano pang ibang bagay na gusto niyang malaman tungkol sa relihiyon ng Islam.

Bagamat   aktibo noon si Sis. Madeena sa mga aktibidad ng St. Joseph Catholic church sa Garden Road, naglaan pa rin siya ng panahon na dumalaw sa mosque.

“Dahil Linggo lang ang libreng araw ko, umaga nasa choir ako ng St. Joseph, hapon pumupunta na ako sa mosque.”

Ayon kay Sis. Madeena, hindi lang tungkol sa relihiyon ng Islam ang tinuturo sa mosque, kundi na rin mga pampulitika at pang-ekonomyang kaganapan sa mundo na nagpapaliwanang kung bakit may mga hidwan at digmaan sa pagitan ng iba’t-ibang relihiyon.

“Noon ko na-realize na may gera sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano hindi pa dahil magkaiba ang paniniwala, kundi dahil sa pang-aagaw ng lupa, diskriminasyon sa lahi, at mga maling stereotype ng Muslim na pinalalaganap ng media,” aniya.

Ayon kay Sis. Madeena, relihiyon ng pagmamahal at kapayapaan ang Islam. Tinuturo ng Koran na banal na aklat ng mga Muslim ang pagmamahal sa kanilang  diyos na si Allah, paggalang sa sarili, at pagmamahal sa kapwa. Tinuturo din ng Islam na alagaan ang sarili, kaya’t ipinagbabawal sa mga Muslim ang magsigarilyo at uminom.

“Sa Islam ako nakatagpo ng kapayapaan. Nauunawaan ko ang mundo at ang mga kaganapan dito dahil sa mga itinuturo ng Koran,” aniya.

Mas lalong nakumbinse si Sis. Madeena na ang ugat ng mga digmaang Muslim-Kristiyano ay pulitika at ekonomiya nang muli siyang umuwi sa Pilipinas. Pinadala siya ng kanyang mosque na Masjid Ammas sa Marawi sa Mindanao sa isang kumperensya.

“Nakausap ko ang mga kapwa ko Muslim doon, at marami akong narinig na kwento tungkol sa ginagawang pandarahas ng mga sundalo sa mga sibilyang Muslim. Kahit mismong sa Mindanao kung saan pinaka-marami ang mga Muslim, may matinding diskriminasyon laban sa kanila. Pag gabi, umaalingawngaw ang mga putok ng baril, at may mga sibilyang Muslim na basta-basta na lang inaaresto.”   

“Binobomba ang mga komunidad ng mga magsasakang Muslim, at kinukumpiska ang kanilang mga ari-arian at mga alagang hayup ng mga sundalo. Sino ba naman ang hindi magagalit at magnanais maghiganti? Muslim ka o Kristiyano, kung dinadahas ka at ang iyong pamilya nang ganun, nanaisin mong magtanggol at lumaban,” paliwanag niya.

Maalam sa current events si Sis. Madeena. Up-to-date ang kanyang impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa mga Muslim sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Aniya, ang panggigipit sa mga Muslim at ang diskriminasyong dinadanas nila ay may bahid ng pulitika.

“Relihiyon ang ginagamit na sangkalan, pero pulitika at ekonomya ang dahilan. Binomba at sinakop ng US ang Iraq dahil sa langis; pero sinasabi ng gobyerno nila na terorista ang mga Muslim. Patuloy na tinutulungan ng  US ang Israel para agawin ang lupa ng Palestine. Sa Pilipinas, pinagbibintangan ng pulis at militar ang lahat ng mga sibilyang Muslim bilang mga miyembro o supporter ng Abu Sayyaf at mga potensyal na terorista. Kailangang ilinaw ang mga isyung ito sa publiko upang mapigilan na ang mga hidwaan. Hindi terorista ang mga Muslim,” paliwanag niya.

Ang layuning maglinaw ang dahilan kung bakit nagsagawa ng isang sit-down protest sa Chater Garden ang mga Muslim organizations noong Peb.26. Nagpahayag sila ng pagtutol sa ginawa ng Jyllands-Posten, isang diyaryo sa Denmark. Nilathala ng naturang pahayagan ang umano’y nakakainsulto at anti-Muslim na mga cartoon drawings. Ang isa sa mga cartoon ay nagpapakita kay propeta Mohammed na may suot na turban na mukhangsasabog na bomba. Si Mohammed ang kinikilalang banal na sugo ni Allah.

Laganap ngayon sa buong mundo ang mga protesta laban sa mga cartoon na ito. Libo-libong Muslim sa India, Thailand, Indonesia, Lebanon, Pakistan, Saudi at kahit sa Pilipinas ang humuhugos sa lansangan upang ikondena ang anila’y blasphemous na drawing.

Sa kasalukuyan, volunteer educator si Sis. Madeena sa Masjid Ammas. Matatas siyang magsalita ng Cantonese,  kaya ring magsalita ng Arabic Nagtuturo siya ng comparative religion, basic Islam, at basic Arabic. Nagtuturo siya sa mga Pilipinong Muslim dito sa Hong Kong, at maging sa mga katulad niya na nag-convert sa Islam.

Aktibo din si Sis. Madeena sa pagtulong sa mga kapwa Muslim pagdating sa kanilang employment at paglakad ng mga dokumento sa konsulado. Aniya, walang maasyos na sistema ng serbisyo ang konsulado para sa mga Muslim na OFW, at hindi sila natutulungan pagdating sa paglalakad ng mga identity papers.

Palaging busy si Sis. Madeena. Nakikiugnay din ang kanyang organisasyon sa United Filipinos in Hong Kong (UNIFIL), at sumasama sa mga aktibidad nito, lalo na yaong may kinalaman sa kampanyang pagtataas ng sahod ng mga foreign domestic helpers, at pagkundena sa lumalalang human rights situation sa Pilipinas.

“Mahalaga na patuloy abutin ang mga Pilipino dito sa Hong Kong, at partikular ang mga  Muslim. Minoridad kami dito sa Hong Kong, at minoridad pa rin kumpara sa mga Kristiyanong Pilipino. Mas maliit ang support network namin dito, kaya kailangang magtulungan,” pagwawakas niya. 

Leave a Reply