Silang nagdadala ng liwanag

Silang mga nagpapanatili ng kadiliman sa bayang ito, dahil hindi nila kayang pigilan ang pagkalat ng mga ideyang nagdadala ng liwanag at kalayaan, inutas lang nila ang mga tangan ng liwanag.

Hindi ako kailanman masasanay sa mga balitang mga aktibistang pinaslang — nilabog sa bugbog, binaril, sinaksak at isinaksak sa mga sako na parang nabubulok na basura. Kahit pa naisin ko na maging manhid na ganyang mga balita, sa ganyang mga ulat (karahasan, malupit na kamatayan, pambababoy sa diwa at katawan), hindi magawa ng puso ko na magmatigas at sabihing hindi ko na iiyakan ang patuloy na lumalaking bilang ng mga Kasama, kaibigan, at masang pinaglilingkuran na  walang-awang pinatay ng berdugong gobyerno ni Macapagal-Arroyo.

Binaril sa ulo, dalawang beses.

Sinaksak sa dibdib, tyan at tagiliran, anim na beses, pitong ulit, walong malalim na pagbaon ng patalim.

Pinaulanan ng bala ang katawan.Tumagos ang mga bala sa braso, binti, dibdib at ulo. Kumalat ang dugo sa mga butas sa balat, buto at laman.

Sinilid sa sako.Tinapon sa kogonan.Pinalutang sa ilog. Humandusay ang basag na katawan sa alikabok ng katanghalian, o sa pasilip na silahis ng araw sa bagong bungad na kaumagahan.

Ginapos ang mga kamay at paa. Sa sobrang higpit, nag-iwan ng markang waring latigo ng apoy at manipis na alambre.

Binusalan ang bibig, nilagyan ng piring ang mata at tinamnan ng bala sa sintido.

Mga salita at katagang parang mga balaraw na itinatarak sa kamalayan at puso ng bawat isang aktibistang nagmamamahal sa bayan. Mga salitang nagpipinta ng mga larawan ng trahedya, ngunit nang-uudyok ng mga damdaming di lang kulay ng dalamhati kundi ng pagkamuhi at pagnanais ng paghihiganti. 

Bawat isa sa kanila, sa 80 na masang magsasaka, manggagawa, kabataang-estduyante at aktibistang pinatay ng militar at ng demonyong gobyernong ito, bawat isa sa kanila ay may mukha, pangalan, pagkatao at kasaysayan ng paglilingkod sa mamamayan at sa bayan.

Bawat isa sa kanila na ginawang martir ng berdugong gobyerno ay minahal ng kanilang mga Kasama, kaibigan at kapamilya. Bawat isa sa kanila ay araw-araw ipinagluluksa ng Kilusan.

Bawat isa sa kanila,isang araw sa malapit nang hinaharap, ay ipaghihiganti.

Nakakapagtaka pa ba na may armadong pakikibaka sa Pilipinas? Na libo-libong mamamayan ang tumatangan ng baril at sumasama sa Bagong Hukbong Bayan? Na patuloy ang gerang sibil sa kanayunan, at ang paglakas ng ligal, demokratikong kilusang protesta sa kalunsuran?

Siyam na magsasaka na naggigiit ng karapatan sa lupa, minasaker ng militar sa Palo, Leyte.

Mag-asawang aktibista, 27 at 29, dinukot at pinatay.

Saan babaling ang masang pinagsasamantalahan at dinadahas?
Sino ang magbibigay ng katarungan sa kanilang mga inapi, ninakawan at pinagkaitan?

Wag mong masabi-sabing ang gobyerno! Itong gobyernong ito na mamamatay-tao, nakakasulasok ang kabulukan, imoralidad at kawalang-hiyaan?! Itong gobyernong ito na nagtataguyod ng sistemang tinaguyod ng pag-ibig sa luho at pera, pinatigas ng kasakiman, pinalalakas ng hukbo ng mga bayaran, pasista at kawatan?!

Itong gobyernong ito at ang hukbo nito ng mga mersenaryo at berdugo rin ang pumapatay sa mamamayang walang hinangad kundi ang tunay na kalayaan.

Pag-aralan ang tunay na kasaysayan ng bayang ito, at naroon ang mga kasagutan. Paano pinalaya ang bayan mula pananakop ng mga dayuhan, sa gayong paraan rin wawakasan ang pagsasamantala ng iilang nagsasamantala sa mayorya ng mamamayan.

Ang tunay na kasaysayan ay sinulat ng masang inapi at binusabos; at sila rin sa  huling pagtutuos ang magtatakda ng kinabukasan. Walang mangingimi sa pagdadala ng bala at baril, at sa paggamit ng mga ito upang ipagtanggol ang sarili, pamilya at bayan.

Leave a Reply